Sa kapangyarihang iginawad sa direktor ng New Bilibid prison na si Eriberto B. Misa Sr. ipinagutos niya ang pagtatayo ng Paaralang Elementarya ng Itaas noong taong 1941, sa Type B, NBP Reservation, Poblacion, Muntinlupa City. Maliliit lamang ang anim na silid-aralan at may isang silid na ginamit sa Gusaling Pantahanan. Ang bawat baitang ay may tig-iisang pangkat mula unang baitang hanggang sa ikaanim, na may humigit kumulang na 40 mag-aaaral. Pawang mga anak lamang ng mga kawani ng NBP ang mga mag-aaral ng Paaralang Elementarya ng Itaas noon. May dalawang maliliit na palikuran para sa mga lalake at mga babae. Ang pinaka-kantina ay ang mga tindahan sa paligid ng paaralan na pag-aari nina Gng. Perucho at Gng. Patao na kapwa mga maybahay ng mga kawani ng NBP.

Ang bawat mag-aaral sa ikalima at ikaanim na baitang ay may gulayan na inaalagaan at nililinang sa kabilang kalsada na nasa sa harap ng paaralan. Ang nagsisilbing palaruan ng mga mag-aaral ay ang tinatawag na Sunken garden ngayon. Dito ginaganap ang ibat-ibang palaro at ang taunang “Field Day”. Seryoso at magagaling ang mga guro sa pamumuno ni Ginoong Catalino Garduque. Ang mga guro ay binubuo nina Gng. Consolacion Francisco, Gng.Raymunda Santos, Ginoong Simeon Bumanglag , Gng. Concepcion Ofina at Gng. Sophia R. Bunye, ang ina ni dating Press Secretary at dating punonglungsod Kgg. Ignacio “Toting” R. Bunye. Ang unang PAGTATAPOS ay noong taong 1948. Tinawag na Itaas ang paaralan dahil sa lokasyon ng NBP Reservation kung saan nakatayo sa pinamakataas na bahagi ng bayan ng Muntinlupa.
Ang mga namunong punongguro simula noong taong 1941-1948 ay si G. Catalino Garduque, 1948-1956 G. Emilio Yasay, 1956 – 1962 G. Simeon Bumanglag, 1962 – 1969 Gng. Sotera Montante, 1969 – 1976 Gng. Sally C. Figuracion, 1976 – 1981 Gng. Felicidad M. Perez, 1981 – 1988 G. Rodolfo A. Ruiz, 1988 – 1991 Bb. Carmelita D. Rongavilla, 1991 – July, 1997 Bb. Carmen L. Paranete, July, 1997 – July 2002 Bb. Carmelita D. Mamaril, July 2002 – February 1, 2007 Dr. Julieta A. De Torres, February 2, 2007 – August 29, 2007 Dr. Diosdado S. Medina (OIC), August 30, 2007 – May 5, 2009 Dr. Ma. Aurora S. Bartolaba, May 6, 2009 – July 14, 2013 Dr. Jane May C. Valbuena, July 15, 2013 hanggang ngayon ay si G. Raul T. Felix.

Upang lalo pang maging maayos at mapaganda ang kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral sa Paaralang Elementarya ng Itaas, ipinagutos ng dating Direktor, Mggl. Alfredo M. Bunye Sr.,ang paglilipat nito upang maisakatuparan pagkakaroon ng mga bagong gusali na magsisilbing silid-aralan ng mga mag-aaral. Ang pagpapatayo ng mga gusali ay pinamahalaan ni Ginoong Pastor Santos, tagapangasiwa ng ginagawang gusali. Ang mga materyales na ginamit sa paggagawa ng mga bagong gusali ng paaralan ay nanggaling sa “prison’s colonies” ng Palawan, Mindanao at Davao. Kinailangan ang tulong ng mga bilanggo upang maipatayo ang Paaralang Elementarya ng Itaas. Nang matapos ang bagong gusali ng paaralan pinasinayaan ito noong 1956. Mula noon, sa pamamagitan ng dating Press Secretary na si G. Ignacio “Toting” R. Bunye ay marami nang pinagbago ang paaralan.

Sa kasalukuyan ang Paaralang Elementarya ng Itaas ay binubuo ng 97 mga guro at 20 mga kawaning di nagtuturo sa pangunguna ng punongguro na si G. Raul T. Felix, mahigit sa 3,700 mga mag-aaral mula sa kindergarten hanggang ikaanim na baitang ang bumubuo dito. Ang bawat baitang mula una hanggang ika anim ay binubuo nang may mahigit na sampung pangkat na may bilang na 45 na mag-aaral.
Mula noon magpasahanggang ngayon patuloy na gumaganda ang kalidad ng edukasyon ng paaralan sa ibat-ibang larangan.